Pinoy athletes handa na sa giyera
BUENOS AIRES — Handang-handa na ang pitong Filipino athletes para sa pagsabak sa 2018 Youth Olympic Games dito sa Obelisco de Buenos Aires.
Pamumunuan ni golfer Yuka Saso, ang iniluklok na flag-bearer ng Philippine contingent, ang pagmartsa ng delegasyon na naghahangad makapag-uwi ng gold medal katulad ng pinana ni archer Gab Moreno sa team event noong 2014 edition ng sportsfest para sa mga atletang may edad 18-anyos pababa.
Sisimulan ni Jann Mari Nayre, ang national table tennis champion, ang kampanya ng bansa bukas (Manila time) kasunod si kiteboarder Christian Tio na anim na araw makikipaglaban para sa medalya.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina archer Nicole Marie Tagle, fencer Lawrence Everett Tan, golfer Carl Jano Corpus at swimmer Nicole Justine Marie Oliva, lalangoy sa 100m freestyle, 100m backstroke, 100m butterfly, 200m free, 200m back, 400m free, 50m free at 800m free.
Ngunit ayon kay Maria Luisa Ner, isang administration staff ng Philippine secretariat, posibleng lumangoy lamang si Oliva sa anim na events.
Dumating ang 18-anyos na si Saso, ang double-gold medalist sa 18th Asian Games sa Indonesia, isang araw bago ang opener, ang unang pagkakataon sa Olympic history na gagawin ang opening ceremony sa kalsada at bukas sa publiko.
- Latest