Codiñera nag-resign na sa Arellano

Pormal nang inihayag ni Codiñera ang kanyang pagbibitiw bilang head coach ng Chiefs sa training ng tropa kahapon.
Alvin S. Go

MANILA, Philippines — Namaalam na si Jerry Codiñera sa kampo ng Arellano University sa kalagitnaan ng NCAA Season 94 men’s basketball tournament.

Pormal nang inihayag ni Codiñera ang kanyang pagbibitiw bilang head coach ng Chiefs sa training ng tropa kahapon.

Limang taon ding nagsilbi si Codiñera sa Arellano.

Hahalili sa maiiwang puwesto ni Codiñera si assistant coach Junji Ablan.

Agad na masusubukan ang tikas ni Ablan sa pagsabak ng Arellano laban sa College of Saint Benilde ngayong hapon.

Makulay ang kampanya ni Codiñera sa Arellano.

Dinala nito ang Chiefs sa dalawang finals appearance noong Season 90 at Season 92.

Subalit nabigo ang Arellano sa dalawang pagkakataon sa kamay ng San Beda University.

Noong nakaraang taon, bigo ang tropa na makapasok sa Final Four kung saan tumapos ang Chiefs sa ikaanim na puwesto hawak ang 9-9 rekord.

Kasalukuyan namang may 4-7 baraha ang Arellano sa season na ito.

Mangangailangan ang Chiefs na makuha ang importanteng panalo sa kanilang mga susunod na laro upang mapalakas ang kanilang tsansa na pumasok sa semis.

Show comments