MANILA, Philippines — Itataguyod ng ESPN 5 ang The Nationals na nais makadiskubre ng mga atleta sa esports na posibleng maging bahagi ng national pool para sa Southeast Asian Games, Asian Games at Olympic Games.
Para makapili ng mga mahuhusay na manlalaro, lalarga ang ilang esports tournaments simula sa Agosto 4 sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan lalaruin ang DOTA2 for PC, Mobile Legends for mobile at console game (NBA2k19 or Tekken7).
“We are using the Road to The Nationals as the pool of talent to build the teams in The Nationals. This is esports like never before. Aspiring esports athletes now have a chance to get into a sustainable playing career. This is their time to seize the opportunity,” ani TV5 President/CEO Chot Reyes.
Idaraos ang qualifying tournaments sa Agosto 4 sa TNC Morayta, Agosto 11 sa SM Seaside Cebu, Agosto 25 sa Cagayan de Oro Cybersquare Café, Setyembre 29 sa Localhost Café sa Iloilo at Oktubre 13 sa Cavite.
Ang mga magkukwalipikang atleta ay uusad sa Grand Finals na gaganapin sa Oktubre 27 hanggang 28 sa SMX Convention Center sa Pasay City.
Sa 2018 edisyon ng Asian Games na gaganapin sa Indonesia, kasamang lalaruin ang esports bilang demonstration sport.
At hindi malayong maging regular na sport na ito sa Asiad kung makatatanggap ito ng solidong suporta mula sa mga miyembrong kasapi sa Asian Games.