MANILA, Philippines — Pakay ng Go For Gold na muling makisalo sa liderato sa pakikipagtipan sa Centro Escolar University sa pagpapatuloy ng 2018 PBA D-League sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Maghaharap ang Scratchers at Scorpions sa ala-una kasunod ang duwelo ng Marinerong Pilipino at Batangas sa alas-3.
Nagbalik ang angas ng Scratchers nang gulpihin nito ang AMA Online Education sa pamamagitan ng 135-91 demolisyon sa kanilang huling laro.
Solo ng Che’Lu ang unahan hawak ang 6-2 rekord kasunod ang Go For Gold (5-2), CEU (4-3), Marinerong Pilipino (4-3), Batangas (3-4) at AMA (0-8).
Para lubos na paningning ang kanilang tropa, kinuha ng Go For Gold si Rey Publico na siyang inaasahang makakatuwang ni bigman Jerwin Gaco.
Umaasa naman ang Scorpions na makakaresbak ito sa Scratchers mula sa kanilang 83-92 kabiguan sa first round.
Maliban pa rito, naghahabol ang Scorpions na makalikom ng mga krusyal na panalo para makaiwas sa kumplikadong sitwasyon sa pagpasok sa susunod na yugto ng torneo.