5 Pinoy boxers sa 2nd round
Thailand open boxingfest
MANILA, Philippines — Ipaparada ng Association of Boxing Alliances in the Philippines ang anim na miyembro ng national team sa 2018 Thailand Open International Boxing Tournament na pormal na magsisimula ngayong araw sa Bangkok, Thailand.
Limang miyembro ng tropa ang agad na pumasok sa second round matapos makahirit ng opening-round bye sa kani-kanilang dibisyon sa torneong may basbas ng International Boxing Association.
Ito ay sina Carlo Paalam (men’s light flyweight - 46-49 kg.), Marvin Tabamo (men’s flyweight – 52 kg.), James Palicte (men’s lightweight – 60 kg.), Sugar Ray Ocana (men’s light welterweight – 64 kg.) at Joel Bacho (men’s welterweight (69 kg.).
Sa susunod na round, aariba si Paalam kontra kay Matsumo Ryusei ng Japan habang sasagupain ni Tabamo si Jean David Rolfo ng Mauritius na nakasiguro rin ng first-round bye.
Lalarga naman sina Palicte laban kay Lai Chu-En ng Chinese-Taipei, Ocana laban kay Hsieh Kai-Yu ng Chinese-Taipei at Bacho laban kay Sailom Ardee ng Thailand sa kani-kanilang second-round bouts.
Unang sasalang si Southeast Asian Games gold medallist Mario Fernandez na susuntok laban kay Louis Jean Hughes Miley ng Mauritius sa first round ng men’s bantamweight (56 kg.) ngayong Sabado ng gabi.
Magkakamit ng $1,500 ang magkakampeon habang may $750 naman sa runner-up at $500 sa mga bronze medalists. Bibigyan naman ng $300 ang quarterfinalist, $200 sa aabot sa second round at $100 konsolasyon sa matatalo sa first round.
Tumataginting na $10,000 ang nakalaan sa magkakampeon na koponan at $7,500 at $5,000 naman para sa second at third, ayon sa pagkakasunod.
Ipinadala ng ABAP ang mga Pinoy boxers bilang paghahanda sa 2018 Asian Games na idaraos sa Agosto sa Jakarta at Palembang, Indonesia.
- Latest