MANILA, Philippines — Pinayuko ni International Master Paulo Bersamina si Nguyen Duy Linh ng Vietnam upang masolo ang liderato sa rapid event ng Open Under-20 division sa ASEAN+ Age Group Chess Championships na ginaganap sa Royal Mandaya Hotel sa Davao City.
Umangat sa unang puwesto ang two-time Olympiad veteran na si Bersamina tangan ang anim na puntos habang nalaglag sa ikalawang puwesto si FIDE Master Azarya Jodi Setyaki ng Indonesia na may 5.5 puntos.
Naipuwersa ni top seed Pinoy woodpusher John Marvin Miciano ang draw laban kay Setyaki sa kanilang hiwalay na laban.
Sa girls’ 20-under division, naka-draw din si Woman FIDE Master Shania Mae Mendoza kay Woman International Master Nguyen Thanh Thuy Tien ng Vietnam para manatili ang kapit sa liderato bitbit ang anim na puntos,
Nasa ikalawang puwesto ang kababayan nitong si Ella Grace Moulic na may limang puntos.
Tinalo naman ni Dale Bernardo ang kanyang kapatid na si Darry para kapitan ang unang posisyon sa open 18-under hawak ang 6.5 puntos.
Sa open 16-under, tinalo ni FM Alekhine Nouri ang kababayang si John Rhuiz Bravo para sumosyo sa unahan ng standings kasama si Vietnamese FM Pham Phu Vinh tangan ang parehong 5.5 marka.