MANILA, Philippines — Inilabas na ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. ang national pool sa women’s volleyball na sasabak sa ilang malalaking international tournaments.
Nangunguna sa listahan si three-time UAAP Alyssa Valdez ng Creamline Cool Smashers kasama sina reigning UAAP MVP Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat ng Foton Tornadoes.
Nakuha rin si power-hitting Myla Pablo ng Pocari Sweat-Air Force at sina veteran spikers Cha Cruz ng F2 Logistics, MJ Philips ng Sta. Lucia Realty at sina Christine Joy Rosario ng Foton at Mika Reyes ng Petron.
Magsasalitan sa setting chores sina veteran playmakers Jia Morado ng Creamline, Kim Fajardo at Kim Kiana Dy ng F2 Logistics, Rhea Dimaculangan ng Petron at Rebecca Rivera ng Sta. Lucia Realty habang nakuhang libero sina Dawn Macandili ng Cargo Movers at Denden Lazaro ng Cocolife.
Ang iba pang miyembro ng national pool ay sina Mylene Paat ng Cignal HD, Maika Ortiz ng Foton at Ces Molina ng Petron at Majoy Baron ng Cargo Movers.
Nauna nang tinukoy si F2 Logistics middle blocker Aby Maraño bilang team captain ng tropa.
Hahawakan ang tropa nina national team head coach Shaq Delos Santos, assistants Kungfu Reyes at Brian Esquivel.
Sasabak ang national team sa Asian Games na idaraos sa Agosto at sa Asian Cup na gaganapin naman sa Setyembre.
Bilang paghahanda, sasabak ang koponan sa Philippine Superliga Invitational Conference na magsisimula sa Hunyo 23.