MANILA, Philippines — Sa pagbabalik ni import Josh Smith ay ipinoste ng TNT Katropa ang kanilang pang-limang panalo para makasosyo sa liderato.
Matapos isara ang first period bitbit ang 19-point lead ay hindi na bumitaw ang Tropang Texters sa kanilang double-digit advantage para lumpuhin ang Columbian Dyip, 123-95 sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Ang tagumpay ng TNT Katropa ang nagtabla sa kanila sa Rain or Shine para sa liderato sa magkatulad nilang 5-1 kartada habang nahulog naman ang baraha ng Columbian sa 3-4.
“Sabi ng mga coaches namin ‘yung defense talaga namin kung kayang tapusin sa first half, gagawin talaga namin kasi back-to-back games kami eh, so kailangan naming makapagpahinga din kasi may game kami sa Sunday,” sabi ni Troy Rosario, umiskor ng 21 points.
Kinuha ng Tropang Texters ang 36-17 abante sa opening quarter bago nag-init at ibinaon ang Dyip sa halftime, 72-40.
Nagtala ang TNT Katropa ng 21 assists sa first half kumpara sa 8 ng Columbian bukod pa sa 48 points ng koponan ni Nash Racela sa shaded lane laban sa 18 ng huli.
Lalo pang iniwanan ng Tropang Texters ang Dyip sa third period nang ilista ang 93-59 kalamangan sa huling 2:58 minuto mula sa three-point shot ni defensive player Harvey Carey.
Nagdagdag si Terrence Romeo ng 19 points para sa Tropang Texters kasunod ang 17 at tig-11 markers nina Smith, Jericho Cruz, Don Trollano at Kelly Williams.
Samantala, kasalukuyang naglalaban ang Barangay Ginebra at Meralco Blots habang sinusulat ito.
TNT Katropa 123 - Rosario 21, Romeo 19, Cruz 17, Trollano 11, Smith 11, Williams 11, Carey 9, Garcia 7, Semerad 7, Pogoy 6, Golla 2, Reyes 1, Castro 1, Nuyles 0, Paredes 0, Saitanan 0.
Columbian Dyip 95 - Fields 34, Tubid 13, Camson 11, Lastimosa 9, Gabriel 6, Khobuntin 6, McCarthy 5, Cabrera 3, Ababou 3, Celda 2, Sara 2, King 1, Corpuz 0, Cahilig 0, Escoto 0.
Quarterscores: 36-17; 72-40; 98-65; 123-95.