Oranza sa Stage 2
MANILA, Philippines — Tumapos si Ronald Oranza ng Philippine Navy-Standard Insurance sa oras na 3:48:34 para pangunahan ang 157.9-km. Stage 2 ng 2018 Le Tour de Filipinas kahapon mula sa Cabanatuan City hanggang sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Inakyat ng 26-anyos skipper ng Navy-Standard Insurance team na si Oranza ang mataas na bundok ng Santa Fe na binansagang Dalton Pass habang kasunod naman ang kanyang mga teammates tungo sa pag-angkin sa ikalawang stage ng karera.
Sa kanyang tagumpay, naging pang-apat pa lamang na Filipino stage winner ang tubong Villasis, Pangasinan na si Oranza kasunod nina Oscar Rendole, Arnel Quirimit at 7-Eleven Cliqq RoadBike star Mark Gallego, ang kampeon noong 2014.
Inamin naman ni Oranza na malaking tulong ang kanilang nakasanayan sa akyatan sa Dalton Pass kaya naging magaan na sa kanila ang nasabing mahirap na ruta ng karera.
“Malaking tulong na pamilyar kami sa ruta kasi ma-survive lang namin ‘yung Dalton Pass, ‘yung daan papunta rito, rolling na,” pahayag ni Oranza na siya rin ang nangunguna sa dalawang KOM challenges para magkaroon ng pagkakataon na isuot ang red polka dot jersey.
Bukod sa best clim-ber jersey, isusuot din ni Oranza ang coveted yellow jersey bilang leader ng general classification sa Stage 3 ngayong araw na isang 185.20 kms. ang haba mula Bambang, Nueva Vizcaya hanggang sa Lingayen, Pangasinan.
Ang teammate ni Oranza ang 32-anyos na si Jan Paul Morales ang magsusuot sa green jersey bilang pinaka-mabilis sa sprint makaraang angkinin ang dalawang intermediate sprints sa loob ng unang 60 kilometro ng karera kahapon.
Umangat si Morales sa ikatlong puwesto mula sa pang-apat sa individual general classification dahil sa anim na segundo na bonus.
Ang teammate ni Galledo sa 7-Eleven na si Daniel Ven Carino ang naka-sungkit sa white jersey bilang pinakamagaling na batang rider makaraang tumapos kabilang sa chase group na nauuna ng mahigit 11 minutos sa Japan-based Interpro Stradalli counterparts na sina Kouki Shinoda at Kouki Mitsuda.
- Latest