Duterte, nat’l sports heroes sa PNG opening ceremonies
MANILA, Philippines — Makakasama ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga national sports heroes para sa opening ceremonies ng 2018 Philippine National Games bukas sa Abellana Sports Complex sa Cebu City.
Sina Elma Muros (athletics), Francisco ‘Django’ Bustamante (billiards), Bong Coo (bowling), Mansueto ‘Onyok’ Velasco (boxing), Eugene Torre (chess) at 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz (weightlifting) ang makakasabay ni Presidente Duterte para sa opisyal na pagbubukas ng 2018 PNG.
Kinumpirma na kamakailan ni Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pagdalo ng Pangulo sa opening ceremonies.
Tiniyak naman kahapon ni Cebu Province Governor Hilario Davide III ang buong suporta ng probinsya para sa sports meet na lalahukan ng mga national athletes at miyembro ng national pool.
Nilagdaan ni Davide ang isang Memorandum of Agreement kasama si PSC Commissioner Ramon Fernandez sa Provincial Social Hall sa Cebu Capitol, Cebu City.
Higit sa 3,000 atleta mula sa 96 Local Government Units ang mag-aagawan sa 2,576 medalyang nakataya sa 2018 PNG.
- Latest