MANILA, Philippines — Simula na ng pagbalangkas sa plano upang maging matagumpay ang pagtataguyod ng bansa sa 30th SEA Games sa susunod na taon.
Dumating kahapon ang may 80 sports leaders mula sa 10 bansang kasapi ng Southeast Asian Games Federation para dumalo sa council meeting na idaraos mula ngayon hanggang bukas sa Bonifacio Global City.
Pangungunahan ni Philippine Olympic Committee (POC) President Ricky Vargas ang pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor Leste at Vietnam.
Ilan sa tatalakayin ang mga disiplinang lalaruin sa biennial meet gayundin ang Sports and Rules, Medical at Women and Sports.
Nais ni Vargas na magkaisa ang mga bansang kasapi ng SEA Games upang higit na pagbuklurin ang buong rehiyon sa pamamagitan ng sports.
Kasama ni Vargas sa mainit na pagtanggap sa mga bisita si Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na siyang Philippines SEAG Organizing Committee (Phisgoc) Executive Board chairman gayundin si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na tatayong host ang Pilipinas sa SEA Games sapul nang maging miyembro ang bansa noong 1977.
Idinaos sa Pilipinas ang SEAG noong 1981, 1991 at noong 2005 - ang taon na itinanghal na overall champion ang bansa.