MANILA, Philippines — Sa loob ng tatlong sunod na taon ay walang makatibag sa De La Salle University.
Nakumpleto na naman ng Lady Spikers ang matamis na ‘three-peat’ nang patumbahin ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa bendisyon ng matamis na sweep sa UAAP Season 80 women’s volleyballl best-of-three championship series.
Unang itinarak ng La Salle ang 29-27, 25-21, 25-22 panalo sa Game One noong Sabado na sinundan ng 26-24, 25-20, 26-24 demolisyon sa Game Two noong Miyerkules.
Ang solidong sistema at malalim na karanasan ang nagsilbing armas ng Lady Spikers para makamit ang tinatamasa nilang tagumpay.
Sa eliminasyon pa lang ay dumaan na sa matinding pagsubok ang La Salle partikular na nang matalo sa Adamson University.
Tinukoy pa ni Lady Spikers mentor Ramil De Jesus na “pam-barangay” lang ang laro ng kanyang bataan.
“Alam naman ng mga bata kung ano ang ibig sabihin ko doon, pinalaki lang ng iba. Hindi ko lang nagustuhan ‘yung performance nila. Pero nag-work naman,” ani De Jesus.
Ito ang nagsilbing wake-up para sa Lady Spikers lalo na sa mga graduating players na sina Kim Kianna Dy, Majoy Baron at Dawn Macandili.
Desidido ang La Salle na maipagpatuloy ang kanilang dominasyon sa susunod na season.
Ngunit muling masusubukan ang magic ni De Jesus dahil mawawala na sa lineup sina Dy, Baron at Macandili na malaki ang naging parte para mapanatili ang kanilang kampeonato.
Masuwerte ang Lady Spikers dahil maraming puwedeng pumuno sa mababakanteng puwesto ng tatlo.
Nariyan ang power-hitter na si May Luna na maaaring maglaro bilang open hitter o opposite spiker at naramdaman na rin ang lakas ni substitute middle blocker Norielle Ipac.