MANILA, Philippines — Nahablot ni Jaja Santiago ng National University ang Most Valuable player award sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament.
Malaking konsolasyon ito kay Santiago bago lisanin ang collegiate league at isentro ang kanyang atensiyon sa malalaking commercial tournaments.
Maliban sa MVP, nakuha rin ni Santiago ang Best Spiker trophy--ang kanyang ikaapat sa liga habang ibinigay kay Cherry Rondina ng UST ang Best Scorer award.
Pinangalanang Best Setter si Deanna Wong ng Ateneo de Manila University, Best Server si Desiree Cheng ng De La Salle University at Best Blocker si Celine Domingo ng FEU.
Reyna ng depensa si libero Kath Arado ng University of the East matapos walisin ang Best Digger at Best Receiver awards.
Tinalo ni Arado si La Salle defensive gem Dawn Macandili sa naturang parangal.
Itinanghal na Rookie of the Year si Filipino-Italian Milena Alessandrini ng Tigresses.
Sa men’s division, dinagit ni Marck Espejo ng Blue Eagles ang apat na parangal kabilang ang ikalimang sunod na MVP.
Nakuha rin ni Espejo ang Best Scorer, Best Spiker at Best Server.
Si Espejo ang ikatlong atleta sa kasaysayan ng UAAP na nakapagbulsa ng limang MVP.
Ang iba pang awardees sa men’s class ay sina Jayvee Sumagaysay ng UST (Best Blocker), Jopet Movido ng La Salle (Best Digger), Rikko Marmeto ng FEU (Best Receiver), at sina Ateneo players Ish Polvorosa (Best Setter) at Ariel Morado (Rookie of the Year).