Isaac sinibak ng Elite, Ramos kapalit

MANILA, Philippines — Matapos mahulog ang Blackwater sa 0-3 panimula sa 2018 PBA Commissioner’s Cup ay tuluyan nang inilaglag ng management si longtime coach Leo Isaac kasama si  team manager Johnson Martinez.

Ipinalit ng Elite kay Isaac ang dati niyang assistant na si Bong Ramos, nanggaling sa isang coaching stint sa Indonesia.

Nagposte si Isaac, da­ting big guard ng Barangay Ginebra ni coach Robert Jaworski Sr., ng 29-88 record sa apat niyang seasons bilang bench tactician ng Blackwater na iginiya niya sa korona ng PBA D-League Foundation Cup noong 2013.

Unang nabigo ang Elite sa Columbian Dyip, 98-126 bago nakalasap ng 102-107 at 74-93 pagyukod sa Phoenix Fuel Masters at Alaska Aces, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, isang special three-point shootout sa pagitan nina Sen. Manny Pacquiao at Special Assistant to the President Bong Go ang itatampok sa kickoff leg ng 2018 PBA All-Star Week.

Makakasama nina Pacquiao, dating playing-coach ng Columbian Dyip at Go si Presidential son-in-law at lawyer Mans Carpio sa contest na gagawin sa first phase ng mid-season spectacle sa Mayo 23 sa Digos, Davao del Sur.

Makakatuwang ng tatlong public officials sina PBA greats Allan Caidic at Kenneth Duremdes at Magnolia veteran Peter June Simon, tubong Makilala, Cotabato.

Show comments