MANILA, Philippines — Mapapalaban agad ang University of Perpetual Help System Dalta dahil makakaharap nito ang reigning men’s basketball titlist San Beda University sa oras na magbukas ang NCAA Season 94 sa Hulyo 7 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito rin ang unang pagkakataon na makakaharap ni Frankie Lim ang Red Lions na dinala nito sa apat na kampeonato bago lumisan sa kampo ng San Beda noong 2012.
Si Lim ang bagong head coach ng Altas.
“It’s customary that the defending champion and the host will play,” wika ni incoming NCAA Policy Board president Anthony Moran Tamayo.
Ginanap kahapon ang turnover ceremony kung saan pormal nang tinanggap ni Tamayo ang bandila ng NCAA kay outgoing Season 93 president Rev. Fr. Nemesio Tolentin ng San Sebastian.
“The ball is round so Perpetual is also excited face defending champion San Beda,” ani Tamayo.
Ito ang ikalimang taon na tatayong punong abala ang Las Piñas-based school sapul nang sumali ito sa liga noong 1985.
Kaya naman ibubuhos ng Perpetual Help ang lahat para maging matagumpay ang pagtataguyod ng edisyong ito ng liga.
Ipagpapatuloy ang NCAA on Tour sa basketball kung saan ang first-round games ng bawat koponan ay idaraos sa school-based gyms.
Muling lalaruin ang 3x3 basketball event bilang demonstration sport habang ang juniors volleyball ay isa nang mandatory event simula sa taong ito.