Cavs itinabla ni James sa 1-1
HOUSTON — Umiskor si guard Chris Paul ng 27 points at nagdagdag si Gerald Green ng 21 markers mula sa bench para pangunahan ang Rockets sa 102-82 paggupo sa Minnesota Timberwolves.
Kinuha ng Houston ang 2-0 lead sa kanilang first-round playoff series ng Minnesota.
Nagpasabog ang Rockets ng 37 points sa second quarter sa likod ng apat na three-point shots ni Green na tuluyan nang nagpaluhod sa Timberwolves.
Tumapos naman si Karl-Anthony Towns na may 5 points na kanyang ginawa sa first quarter para sa Minnesota.
Pinaupo ang All-Star big man sa bench sa huling pitong minuto ng third quarter at hindi na ibinalik sa laro, habang tumipa si Jamal Crawford ng 16 points para sa eighth-seeded Timberwolves na nasa kanilang unang playoffs matapos noong 2004.
Sa Cleveland, kumolekta si LeBron James ng 46 points at 12 rebounds para ihatid ang Cavaliers sa 100-97 panalo laban sa Indiana Pacers sa Game Two at itabla ang kanilang Eastern Conference first-round playoff series sa 1-1.
Si James ang umiskor ng unang 16 points at nagtala ng 29 markers sa halftime para ibangon ang Cleveland sa naunang kabiguan sa Indiana sa Game One.
Ang mintis na three-point attempt ni Victor Oladipo sa huling 27 segundo ng fourth period ang siya sanang natabla sa Pacers sa Cavaliers.
Nagdagdag si Kevin Love ng 15 points para sa Cleveland bago naupo sa huling 3:43 minuto ng laro matapos magkaroon ng left hand injury.
Tumapos si Kyle Korver na may 12 points na lahat ay galing sa three-point line.
Pinamunuan ni Oladipo ang Indiana mula sa kanyang 22 points kasunod ang 18 markers ni Myles Turner sa panig ng Indiana.
Sa Oklahoma City, humugot si rookie Donovan Mitchell ng 13 sa kanyang 28 points sa fourth quarter para banderahan ang Utah Jazz sa 102-95 panalo laban sa Thunder at itabla sa 1-1 ang kanilang Western Conference playoff series.
Nag-ambag si Derrick Favors ng career playoff bests na 20 points at 16 rebounds para sa pagresbak ng Jazz, nakahugot kay Ricky Rubio ng 22 points, 9 assists at 7 rebounds sa kanyang first playoff win sa seven-year career niya.