Mojdeh, 4 pa umukit ng bagong record
Verdadero nagpasikat din sa athletics
VIGAN, Ilocos Sur (via STI) , Philippines — Ipinakita ni Veruel Verdadero na siya pa rin ang dapat katakutan sa century run ng track and field at nagtala naman ng bagong record si Micaela Jasmine Mojdeh at dalawa pang swimmers ng National Capital Region sa 2018 Palarong Pambansa kahapon dito sa President Elpidio Quirino Stadium.
Itinakbo ni Verdadero ng Region IV-A ang gintong medalya sa secondary boys’ 100 sa bilis na 10.55 segundo para basagin ang sarili niyang record sa heats kamakalawa.
“Pinaghandaan ko lang po ‘yung takbo ko rito sa 100 meter. Tapos sinubukan ko kung kaya pang higitan ‘yung time ko sa trials,” wika ng 16-anyos na si Verdadero, itinala ang 10.65 segundo sa trials at nakatakda pang tumakbo sa 200m, 400m, 4x100m at 4x400m relay.
Nauna nang inangkin ng incoming Grade 11 student sa Emilio Aguinaldo College-Immaculate Concepcion Academy sa Dasmariñas, Cavite ang mga ginto sa 100m, 200m, 400m, 4x100m at 4x400m relay noong 2017 Palarong Pambansa sa San Jose, Antique.
Nagposte naman sina Mojdeh, Mark Jiron Rotoni at Philip Joaquin Santos ng NCR ng mga bagong marka para kumuha ng gold medal sa swimming pool.
Tumapos si Mojdeh na may oras na 2:33.12 para burahin ang 2:33.71 ni Raven Faith Alcoseba noong 2015 sa girls’ 12-under 200m IM habang itinala ni Rotoni ang 2:27.66 para sirain ang 2017 record na 2:28.28 ni Drew Magbag sa boys’ 13-17 200m breaststroke at nagtala si Santos ng bagong oras na 2:13.05 sa boys’ 13-17 200m IM at ibasura ang 1998 mark na 2:13.28 ni Carlo Piccio.
Nagposte din ng mga bagong marka sina Ed Delina ng Region III at Avegail Beliran ng Region VI.
Naghagis si Delina ng bagong record na 42.67 sa secondary boys’ discus throw para sirain ang 41.68m ni Clifford John Bonjoc noong 2005 habang binasag ni Beliran ang 40.63m ni Gia Bucag noong 2010 para sa bago niyang 41.46m sa elementary girls’ javelin throw.
Ang iba pang kumuha ng ginto ay sina Jessel Lumapas (secondary girls’ 100m), Neil Justin Angelio (elementary boys’ 100m) ng Region II, Krisha Aguillon (elementary girls’ 200m) ng Region VI, Jerico Pacis at John Michael Manaloto ng NCR (secondary at elementary boys’ 400m hurdles), Riza Jane Vallente ng Region VII (secondary girls’ 400m hurdles) at Princess Jane Uriarte ng Region IV-A (elementary girls’ 400m hurdles)
- Latest