VIGAN, Ilocos Sur , Philippines — Noong 2016 pa nagpalabas si Davao City Mayor Sarah Duterte ng isang Executive Order para paghandaan ang kanilang pamamahala sa 2019 Palarong Pambansa.
Ito ang ibinahagi ni Atty. Lawrence Bantiding, ang Davao City assistant administrator for operations, ilang minuto matapos pormal na ihayag ni Department of Education Secretary Leonor Briones ang paghirang sa lungsod bilang host ng taunang sports event sa susunod na taon.
“Actually, it is more of an assumption na sana manalo kami kasi as early as 2016 pa po ang ating Mayora (Sarah Duterte) ay nag-execute na ng Executive Order for us to really prepare for the 2019 Palarong Pambansa,” wika ni Bantiding.
Tinalo ng Davao City sa ginawang bidding ng DepEd ang Zamboanga del Sur at Misamis Occidental.
Ang iba pang Local Government Units na nabigong makasama sa final list ng mga bidders ay ang Prosperidad sa Agusan del Sur, General Santos sa South Cotabato at Surigao City sa Surigao del Norte.
Ito ang ikalawang pagkakataon na pangangasiwaan ng lungsod ang sports meet para sa mga elementary at secondary students matapos noong 1950.
“Sa presentation namin ay may naipakita naman kaming lists of venues and billeting quarters. Sabi nga nila mas maigi na ang nagpe-prepare,” sabi ni Bantiding.