Roach nasaktan sa paghihiwalay nila ni Pacquiao
MANILA, Philippines — Hindi maipagpapalit ni Hall of Fame trainer Freddie Roach ang lalim ng kanilang pagsasamahan ni Manny Pacquiao sa ano pa mang bagay sa mundo.
Ngunit matapos ang 15 taon ay tuluyan nang maghihiwalay ang 58-anyos na si Roach at ang 39-anyos na si Pacquiao, tinulungan niyang magkampeon sa record na walong weight divisions.
“Manny and I had a great run for 15 years -- longer than most marriages and certainly a rarity for boxing,” wika ni Roach sa isang statement kahapon kaugnay sa pagsibak sa kanya ni Pacquiao bilang chief trainer. “I wouldn’t trade any of it. Inside the boxing ring and the political ring, I wish Manny nothing but the best.”
Ayon pa kay Roach, lubha siyang nasaktan sa biglaang pagdispatsa sa kanya ng Filipino world eight-division champion na itinuring na niyang anak.
“I would be lying if I didn’t say I wasn’t hurt that he didn’t contact me personally about his decision, but the great times we enjoyed together far outweigh that,” ani Roach.
Nang matalo si Pacquiao kay Australian Jeff Horn (18-0-1, 12 KOs) via unanimous decision noong Hulyo at naisuko ang hawak na WBO welterweight belt sa Brisbane, Australia ay si Roach ang nasa kanyang corner.
Tinuligsa ni Bob Arum ng Top Rank Promotions si Roach dahil sa hindi pagrereklamo sa referee ukol sa ‘dirty tactics’ na ginagawa ni Horn kay Pacquiao sa naturang laban.
Sinabi ni Roach na sadyang kulang sa panahon sa training camp si Pacquiao dahil sa trabaho rin nito sa Senado.
Sa paggiya ni Roach ay umiskor si Pacquiao ng sixth-round KO victory kontra kay Lehlo Ledwaba para agawin sa South African ang suot nitong IBF super bantamweight crown.
Nakatakdang hamunin ni Pacquiao (59-7-2, 38 KOs) si Argentinian WBA welterweight titlist Lucas Matthysse (39-4-0, 36 KOs) sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia at ang kanyang kababatang si Restituto “Buboy” Fernandez ang gagabay sa kanya bilang chief trainer kasama si Raides “Nonoy” Neri,
- Latest