MANILA, Philippines — Dahil sa nangyaring katiwalian, nagdesisyon ang Executive Board ng Philippine Sports Commission na bawiin ang mahigit P3.2 million na naibigay sa Philippine Karatedo Federation para sana sa pagsasanay ng mga atleta sa Germany noong nakaraang taon.
Ang nasabing halaga ay para sa training kabilang na ang mga allowances ng 12 karatekas, ngunit sa halip na tumanggap ng mahigit $1,800 US dollars bawat isa, binigyan lamang sila ng kabuuang $470 US dollars sa buong pagsasanay mula Hulyo 20 hanggang Agosto 8.
“We will have a PSC board meeting next week and we will make it formal with a board decision to ask the association to return the money to the PSC that was not used on its intended purpose,” ayon kay commissioner Mon Fernandez, ang OIC ngayon ng PSC.
Bunga nito, sasampahan ng PSC ng kaso ang PKF na falsification of public document sa korte kaugnay din sa parallel na imbestigasyon na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) tungkol dito.
Simula nang mabulgar ang naturang katiwalian, sinuspindi ng PSC ang PKF at hindi na nakatanggap ng financial assistance mula noong Disyembre kaya diretso na sa mga atleta ang tulong ng ahensiya ng gobyerno.