Lady Spikers amoy na ang ‘twice-to-beat’
MANILA, Philippines — Napaamo ng nagdedepensang De La Salle University ang University of Santo Tomas sa bendisyon ng 25-23, 25-23, 25-22 orasyon upang makalapit sa ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Umangat ang Lady Spikers sa 10-2 baraha kung saan isang panalo na lamang ang kailangan nila para maipormalisa ang pagsungkit sa unang ‘twice-to-beat’ incentive sa semis.
Minanduhan ni opposite hitter Kim Kianna Dy ang balanseng atake ng La Salle nang humataw ng 12 points buhat sa 8 attacks at 4 blocks, habang nakakuha siya ng sapat na suporta mula kina reigning MVP Majoy Baron, Desiree Cheng at May Luna na siyang pumalo ng game-winning hit.
“Target talaga namin makuha ‘yung top seeding and the twice-to-beat advantage kaya crucial ‘yung remaining two games namin. Kailangan pa namin ng mas magandang laro,” wika ni Dy.
Nalugmok naman ang Tigresses sa 4-9 rekord.
Humakot si Cherry Ann Rondina ng 23 points para sa UST.
Sa unang laro, nagbalik ang sigla ng National University nang iselyo ang 26-24, 26-24, 25-20 panalo laban sa University of the East para makasiguro ng playoff sa huling semis slot.
Determinado si skipper Jaja Santiago na maisampa ang kanyang tropa sa semis matapos humataw ng 18 kills, 3 blocks at 1 ace para pamunuan ang ratsada ng Lady Bulldogs na tumatag sa No. 4 spot tangan ang 7-6 baraha.
Nakatuwang ni Santiago si Filipino-Japanese middle blocker Risa Sato na naglista ng 13 points mula sa 9 attacks, 2 blocks at 2 aces.
“Noong last game namin, zero ako, wala akong points kaya bumawi talaga ako ngayon. Masaya ako dahil nanalo kami ngayon,” sabi ni Sato para sa unang panalo ng Lady Bulldogs sa second round matapos lumasap ng limang sunod na kabiguan.
- Latest