Heat biyaheng Playoffs; Cavs wagi rin
MIAMI -- Ang tip-in ni center Hassan Whiteside sa huling minuto ng fourth period kasunod ang supalpal ni Josh Richardson sa isang potential go-ahead shot ng Atlanta Hawks ang sumelyo sa 101-98 panalo ng Heat.
Inangkin ng Miami ang kanilang pang-20 playoff spot sa nakaraang 30 seasons.
Naglista si guard Goran Dragic ng 22 points at 10 rebounds at nagdagdag si Tyler Johnson ng 12 points kasunod ang 11 at 10 markers nina Dwyane Wade at James Johnson, ayon sa pagkakasunod, para sa Heat.
Kinuha ng Atlanta ang 98-90 abante sa huling tatlong minuto ng fourth quarter bago tinapos ng Miami ang laro sa pamamagitan ng 11-0 atake.
Sa Cleveland, kumamada si LeBron James ng 27 points, ang pinakahuli ay ang acrobatic layup, para pamunuan ang Cavaliers sa 112-106 panalo laban sa Toronto Raptors.
Ito ang ikalawang panalo ng Cleveland sa huling dalawang linggo kontra sa top team ng Eastern Conference.
“We don’t know what we can become,” sabi ni James. “We have no idea. But right now we’re playing good ball and we want to try to continue that. But we don’t know what we can become. We have not been whole all year.”
Nag-ambag si Jose Calderon ng 19 points at kumolekta si Kevin Love ng 18 points at 15 rebounds para sa Cavs, naglista ng 9-1 record simula noong Marso 17.
Tumipa naman si DeMar DeRozan ng 19 points kasunod ang 17 markers ni Jonas Valanciunas sa panig ng Toronto, may 3-5 marka matapos magposte ng 11-game winning streak simula noong Feb. 26 hanggang March 16.
- Latest