MANILA, Philippines — Apat na koponan mula sa Filipino communities na nakabase sa United States, Canada, New Zealand at Australia ang lalahok sa 11th SM-National Basketball Training Center (NBTC) League National Finals na gaganapin sa Marso 18 hanggang 23 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa launching ng torneo na tinaguriang "Madness in MOA" kahapon, sinabi ni NBTC program director Eric Altamirano na maliban sa apat na koponan ay lalahok din ang mga nanalo sa iba't ibang liga sa buong bansa.
Ang mga seeded na koponan ay Ateneo de Manila (UAAP), La Salle Greenhills (NCAA), University of Visayas (CESAFI) at Chiang Kai Shek (MMBL) samantalang binigyan ng wild card berths ang National University, Mapua, Sacred Heart School-Ateneo de Cebu, San Beda College, UST, Letran at Adamson.
Kasali rin ang mga koponan na galing sa Cagayan de Oro, Cavite, Davao, Midsayap, Baguio, Roxas City, Calamba, Bataan, Bacolod, Ormoc, Dumaguete, Pagadian, Dagupan, San Fernando, Naga at Lipa City.
“Nakita namin ang paglago ng tournament, mula sa konting siyudad at ngayon ay mahigit na sa 70 siyudad sa buong Pilipinas. Naging daan din ang competition upang maipakita ng mga Fil-foreign teams ang kanilang mga manlalaro na gustong mag-aral sa Pilipinas o maglaro sa iba't ibang national teams,” ayon kay Altamirano.
Ang ilan sa mga manlalaro na galing sa NBTC ay sina Kiefer Ravena, Terrence Romeo, Jeron Teng at Troy Rosario.