TORONTO-- Nagbalik si Stephen Curry matapos ang two-game absence para umiskor ng 24 points, habang may 26 markers si Klay Thompson para tulungan ang Golden State Warriors na talunin ang Raptors, 127-125.
Muntik nang mabalewala ang itinayong 27-point lead ng Golden State laban sa Toronto kundi lamang naisalpak ni Kevin Durant ang kanyang jumper sa huling 21 segundo ng fourth quarter.
Kumamada si DeMar DeRozan ng 42 points sa panig ng Raptors, nalasap ang pang-walong sunod na pagkatalo sa kamay ng Warriors.
Tumapos si Durant na may 25 points at nagdagdag si Draymond Green ng 14 markers para sa Golden State, naipanalo ang ika-12 sunod nilang road win.
Ang 19 road wins ng Warriors ang pinakamarami sa NBA.
Nag-ambag si OG Anunoby ng 17 points kasunod ang 14 markers ni Serge Ibaka para sa Raptors, bumangon mula sa 27-point deficit sa first half para makalapit sa one-point deficit sa fourth period.
Sa San Antonio, tumipa si Kawhi Leonard ng 19 points sa kanyang pagbabalik buhat sa three-game absence, samantalang nagdagdag si Davis Bertans ng 18 markers para akayin ang Spurs sa 112-80 panalo laban sa Denver Nuggets.
Ito ang ika-14 sunod na home win ng San Antonio sa kanilang AT&T Center para sa best home record na 19-2 sa liga.
Sa Charlotte, tumapos si Russell Westbrook na may 25 points, 10 rebounds at 7 assists para pangunahan ang Oklahoma City Thunder sa 101-91 panalo laban sa Hornets.
Winakasan ng Oklahoma City ang kanilang three-game losing skid.
Nag-ambag si Paul George ng 17 points at kumolekta si Steven Adams ng 14 markers at 11 rebounds para sa pagresbak ng Thunder sa Hornets.
Sa iba pang laro, tinalo ng Chicago Bulls ang Detroit Pistons, 107-105; tinakasan ng Washington Wizards ang Brooklyn Nets sa overtime, 119-113; nilaspag ng Los Angeles Clippers ang Sacramento Kings, 126-105 at nilusutan ng Los Angeles Lakers ang Dallas Mavericks sa overtime, 107-101.