Red, Yellow nagdomina sa PVL All-Star Game
MANILA, Philippines — Nagsanib-puwersa sina Diana Carlos ng University of the Philippines at Aiko Urdas ng National University upang tulungan ang Team Red na makuha ang 25-21, 25-22, 13-25, 25-21 panalo laban sa Team White sa Premier Volleyball League All-Star Game na ginanap sa The Arena sa San Juan City.
Nakalikom si Carlos, na naglalaro rin para sa Perlas Spikers, ng 15 puntos kabilang ang 12 attacks habang nagdagdag naman si Urdas, miyembro rin ng BaliPure, ng 11 markers para banderahan ang kanilang tropa sa panalo.
Nagdagdag naman sina Perlas Spikers standouts Amy Ahomiro at Katherine Bersola ng tig-siyam na puntos habang may anim si Filipino-Japanese Risa Sato at tig-lima sina Cesca Racraquin at Grethcel Soltones.
May 23 excellent sets si Open Conference at Collegiate Conference Finals MVP Jasmine Nabor kasama ang apat na kills.
Ginabayan ang tropa ni coach Roger Gorayeb sa naturang event na naglalayong makalikom ng pondo para sa Hero Foundation.
Nanguna sa panig ng Team White si UP standout at Perlas Spiker Nicole Tiamzon tangan ang 14 puntos habang naglista ng 12 puntos si Issa Molde ng Lady Maroons at 11 naman si Bea De Leon ng Ateneo Lady Eagles.
Gumawa si Creamline playmaker Jia Morado ng 29 sets para sa Team White ni coach Rico de Guzman.
Sa men’s all-star, namayagpag ang Yellow Team laban sa Blue Team, 25-16, 20-25, 25-22, 23-25, 15-9.
- Latest