MANILA, Philippines — Nauwi sa draw ang unang laban nina Filipino Grandmaster (GM) Wesley So at GM Baadur Jobava ng Georgia sa fourth round ng 2017 FIDE (International Chess Federation) World Chess Cup na ginaganap sa Tbilisi, Georgia.
Nagdesisyon sina second seed So at 47th pick Jobava na maghati sa puntos matapos ang 40-moves ng Petroff Defense.
Hangad ng 23-anyos Cavite City pride na magtala ng krusyal na panalo laban kay Jobava sa Game 2 ng kanilang laban upang makahirit ng puwesto sa quarterfinals ng torneong may nakalaang tumataginting na $120,000 sa magkakampeon at $80,000 sa runner-up.
Nagkasya rin sa draw sina GM Bu Xiangzhi ng China at GM Peter Svidler ng Russia, GM Maxime Vachier-Lagrave ng France at GM Alexander Grischuk ng Russia, GM Levon Aronian ng Armenia at GM Daniil Dubov ng Russia, GM Evgeniy Najer ng Russia at GM Richard Rapport ng Hungary at Chinese GMs Wang Hao at Ding Liren.
Panalo naman sina GM Vassily Ivanchuk ng Ukraine at GM Vladimir Fedoseev ng Russia laban kina GM Anish Giri ng Netherlands at GM Maxim Rodshtein ng Israel, ayon sa pagkakasunod.