Laro Bukas (The Arena, San Juan)
8 a.m. SBC vs Ateneo (M)
10 a.m. FEU vs NU (M)
4 p.m. AU vs San Beda (W)
6:30 p.m. JRU vs SSC-R (W)
MANILA, Philippines - Mainit na inumpisahan ng National University ang pagdedepensa sa titulo matapos ilampaso ang Lyceum of the Philippines sa pamamagitan ng 25-17, 25-16, 25-21 pagbomba kahapon sa Premier Volleyball League Collegiate Conference sa The Arena sa San Juan City.
Balik-PVL si team captain Jaja Santiago na galing sa kampanya sa AVC Asian Seniors Women’s Volleyball Championship at Southeast Asian Games, na nagsumite ng 11 puntos para pamunuan ang atake ng Lady Bulldogs.
Naging kaakibat nito si middle blocker Risa Sato na naglatag din ng 11 puntos habang naglista si playmaker Jasmine Nabor ng anim na hits at 27 excellent sets at umiskor si Aiko Urdas ng limang kills.
Bahagi sina Sato, Urdas at Nabor ng BaliPure na nagkampeon kamakailan sa Open Conference.
Magandang pambungad din ito para kay NU coach Raymond Castillo na siyang humalili sa puwesto ni Roger Gorayeb.
Sumalo ang Lady Bulldogs sa liderato sa Group A kasama ang Ateneo de Manila University at Far Eastern University na nauna nang nagtala ng kani-kanilang pambuenamanong panalo.
Nasa ilalim naman ang San Sebastian, Lyceum at JRU na pare-parehong nahulog sa 0-1 panimula.
Nagawang makadikit ng Lady Pirates sa third set sa iskor na 21-23 subalit lumutang ang malalim na karanasan ng Lady Bulldogs nang kunin nito ang huling dalawang puntos para iselyo ang panalo.
Sa men’s action, pinatumba ng University of Santo Tomas ang De La Salle University, 25-17, 25-13, 25-22 para maikonekta ang ikalawang sunod na panalo at masolo ang liderato.
Nanguna si Joshua Umandal na kumana ng 14 puntos para sa Growling Tigers na una nang nagwagi laban sa University of the Philippines, 25-17, 25-22, 25-15 sa opening day.
Nakaresbak naman ang Fighting Maroons nang gulantangin ang reigning NCAA champion College of St. Benilde, 25-18, 21-25, 25-23, 21-25, 16-14 para umangat sa 1-1.
Nalaglag din ang Green Archers sa parehong 1-1 habang nagtamo ang Blazers ng ikalawang sunod na kabiguan.