Generika-Ayala import dumating na sa Manila
MANILA, Philippines - Dumating na sa bansa ang dalawang imports ng Generika-Ayala na ipaparada nito sa 2017 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na magsisimula sa susunod na buwan.
Desidido ang Lifesavers na magkaroon ng magandang kampanya sa darating na kumperensiya matapos kunin ang serbisyo nina American Katelyn Driscoll at Croatian Katarina Pilepic.
Ang 23-anyos na si Driscoll ay may taas na 6-foot-5 at isang open spiker ng Oregon State University.
Sa kabilang banda, naglaro naman si Pilepic para sa University of Arizona sa Division I ng US NCAA.
Makakasama ng dalawang imports ang mga local players na pamumunuan ni national team member Gen Casugod na nasilayan sa aksiyon sa AVC Asian Seniors Women’s Volleyball Championship na ginanap sa Biñan, Laguna at sa 2017 Southeast Asian Games na idinaos naman sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Umaasa si Generika-Ayala head coach at national team mentor Francis Vicente na mabilis na makakasabay ang dalawang imports sa mga local players at sa sistema ng paglalaro sa Pilipinas.
Maagang dinala ng Lifesavers sa bansa sina Driscoll at Pilepic para makaagapay sa klima at oras sa Maynila.
Nais din ni Vicente na may matutunan ang mga local players sa karanasang ibabahagi nina Driscoll at Pilepic.
Maliban kay Casugod, papalo rin sina Shaya Adorador, Fiola Ceballos, Patty Jane Orendain, Bia General, Angeli Araneta, Mikaela Lopez at Marian Buitre.
Pinagreynahan ng Foton ang Grand Prix sa ikalawang sunod na taon kung saan pinangunahan ito nina Lindsay Stalzer at Ariel Usher.
Wala pang inilalabas na pangalan ng imports ang iba pang koponan subalit nauna nang napaulat na kukunin ng reigning All-Filipino champion Petron ang serbisyo ni Japanese Yuri Fukuda na siyang tumayong main libero ng PSL Selection sa FIVB Women’s Club World Championship noong nakaraang taon na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Wala pang linaw kung magbabalik sa kampo ng Petron si super import Stephanie Niemer.
- Latest