MANILA, Philippines - Nakumpleto ng De La Salle University ang nine-game sweep kabilang ang 3-1 panalo laban sa University of Santo Tomas sa Finals upang angkinin ang UAAP Season 79 women’s football title kamakalawa ng gabi sa Rizal Memorial Stadium sa Vito Cruz, Manila.
Ito ang ika-siyam na titulo ng Lady Archers na natuldukan ang kanilang pitong-taong pagkauhaw sa korona.
“It's surreal. Grabe, all the hardwork, I can't even put into words. I'm so happy, I'm so proud of everyone," wika ni Lady Archers star Inna Palacios.
Naitala ni Kyra Dimaandal ang umaatikabong goal sa ika-57 minuto ng laban para dalhin ang La Salle sa 1-0 kalamangan.
Ngunit kaagad itong naitabla ni Hazel Lustan may 16 minuto ang nakalipas para muling buhayin ang pag-asa ng tropa ng UST.
Nakatanggap naman si national mainstay Sara Castañeda ng magandang pasa mula kay Irish Navaja para isalpak ang ikalawang goal ng Lady Archers sa ika-87 minuto na siyang nagsilbing matibay na pundasyon ng Taft-based squad upang makuha ang panalo.
Nasungkit ni Kyla Inquig ang season Most Valuable Player award, habang si Dimaandal ang ginawaran ng Best Striker plum.
Ang iba pang awardees ay sina Palacios (Best Goalkeeper), Castañeda (Best Midfielder) at Regine Metillo (Best Defender) gayundin si Marie Indac ng UST bilang Rookie of the Year.
Nakuha rin ng La Salle ang Fair Play award.