TORONTO - Wala nang mahihiling pa si head coach Tyronn Lue sa kanyang mga players.
“When we’re getting stops, we’re a dangerous team,” sabi ni Lue. “It was an all-round good game for us rebounding, offensively and defensively, so we just have to keep that up.”
Kumolekta si LeBron James ng 35 points, 8 rebounds at 7 assists para banderahan ang Cavaliers sa 115-94 panalo sa Raptors sa Game Three para ilista ang 3-0 lead sa kanilang Eastern Conference semifinals series.
Maaaring tapusin ng Cavaliers ang kanilang serye ng Raptors sa Game Four sa Linggo sa Toronto.
Humakot si Kevin Love ng 16 points at 13 rebounds para sa Cavaliers, habang may 16 markers din si Kyrie Irving kasunod ang 14 points ni Kyle Korver.
Naglista naman si Tristan Thompson ng 9 points at 12 rebounds.
Naglaro ang Raptors nang wala si star point guard Kyle Lowry, nagkaroon ng sprained ankle injury noong Miyerkules sa Game Two sa Cleveland.
Binanderahan ni DeMar DeRozan ang Toronto mula sa kanyang 37 points, habang nagdagdag si Jonas Valanciunas ng 19 points at 8 rebounds kasunod ang 13 at 12 markers nina Norman Powell at Serge Ibaka, ayon sa pagkakasunod.
2-1 na sa Spurs
Sa Houston, kumamada si LaMarcus Aldridge ng 26 points at nagtala si Kawhi Leonard ng 26 marker, 10 rebounds at 7 assists para akayin ang San Antonio Spurs sa 103-92 paggiba sa Rockets.
Nalampasan ng Spurs ang 43-point performance ni James Harden para sa Rockets.
Inagaw ng Spurs ang 2-1 abante sa kanilang Western Conference semifinals series nila ng Rockets.