MANILA, Philippines - SA kanilang ikatlong asignatura ay nakita ni head coach Chris Gavina ang pagganda ng laro ng kanyang Floodbuster.
“We’re moving past our previous mistakes, missed assignments, and lack of execution,” sabi ni Gavina matapos ang 89-81 panalo ng Mahindra laban sa NLEX para sa kanilang unang panalo sa 2017 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta si balik-import James White ng 30 points mula sa kanyang 12-of-18 fieldgoal shooting bukod pa sa kinalawit na 22 rebounds para sa 1-2 marka ng Floodbuster.
Nag-ambag naman sina LA Revilla, Ryan Araña, Gary David at Reden Celda ng tig-9 markers.
“We played to our identity tonight – toughness, mentally as well as physically against a well-coached NLEX side,” wika ni Gavina kay mentor Yeng Guiao ng Road Warriors, nalasap ang ikatlong sunod na kamalasan.
Itinayo ng Mahindra ang 12-point lead, 36-24 sa second period bago isara ang first half hawak ang 44-34 kalamangan.
Nakalapit naman ang NLEX sa 60-62 sa dulo ng third quarter, ngunit nagtuwang sina Araña at Celda sa paglulunsad ng 12-0 atake para muling ilayo ang Mahindra sa 74-62 sa unang dalawang minuto ng final canto.
Huling naghamon ang Road Warriors sa 79-84 galing sa split ni Eric Camson sa natitirang 31.5 segundo kasunod ang pinagsamang limang free throws nina Revilla at Araña para selyuhan ang panalo ng Floodbuster.
Tumipa si balik-import Wayne Chism ng 28 points kasunod ang 15 at 8 markers nina Jansen Rios at Camson, ayon sa pagkakasunod, para sa NLEX.
Samantala, ang 'fighting stance' ni Guiao sa mga referees sa kanilang pagkatalo sa Meralco noong nakaraang Linggo ay nagkakahalaga ng P5,000.
Ito ang ipinataw ng PBA Commissioner's Office sa temperemental na si Guiao sa naturang insidente sa 84-91 pagkatalo ng Road Warriors laban sa Meralco Bolts sa 2017 PBA Commissioner's Office.
Bukod kay Guiao, pinagmulta rin sina NLEX players Eric Camson at Sean Anthony ng P10,000 at P3,000, ayon sa pagkakasunod.
Si Camson ay minultahan ng P10,000 dahil sa kanyang flagrant foul penalty 1 matapos hampasin sa mukha ang pa-drive na si Meralco import Alex Stepheson sa 6:30 minuto ng fourth quarter ng nasabing laro.
Ang Fil-Canadian small forward namang si Anthony ay pinagbayad ng P3,000 dahil sa game day conduct violation.
Mahindra 89 - White 30, Revilla 9, Celda 9, David 9, Arana 9, Mallari 7, Yee 5, Paniamogan 3, Galanza 3, Deutchman 2, Apinan 2, Salva 1, Ballesteros 0.
NLEX 81 - Chism 28, Rios 15, Camson 8, Soyud 7, Lnete 6, Alas 5, Taulava 4, Lastimosa 2, Tiongson 2, Guinto 2, Khobuntin 2, Baracael 0, Monfort 0, J. Villanueva 0.
Quarterscores: 24-18; 44-34; 68-62; 89-81.