Out Of Shape

Hindi pa nga nakakalaro eh pinauwi na.

Ganyan ang nangyari sa import na si Denzel Bowles, ang dating nag­laro at nag-champion sa B-Meg Llamados at kinuha naman ng Talk ‘N Text para sa ongoing PBA Commissioner’s Cup.

Kaso nga lang, dumating si Bowles na wala sa kundisyon.

“Hindi makatakbo,” sabi ni Talk ‘N Text team manager Virgil Villavicencio.

Kaya ang kinalabasan, matapos ang ilang practice ay binalik ng management ang passport ni Bowles. Umuwi na pabalik sa US nung Huwebes.

Eto at karipas ang Talk ‘N Text para maghanap ng pamalit na import bago sila sumabak sa unang laro nila sa Miyerkules.

Kailangan nila makahanap ng import para naman makapag-ensayo ito kahit na isang beses man lang na kasama ang team.

Dati nang nag-champion sa PBA ang 6-foot-10  na si Bowles kaya naman nung masabing available siya para sa Commissioner’s Cup ay sunggab ang Talk  ‘N Text.

Wala pala sa kundisyon ang mama.

Ako naman ay kung sino man ang agent ni Bowles ay nagmasid man lang sana siya ng kaunti bago niya sinubo ang import sa Talk  ‘N Text.

Eh para kang nag-benta ng sasakyan na ayaw umistart.

Lesson na rin ito sa Talk ‘N Text at sa ibang teams. Hindi naman first time nangyari. Pero sa susunod ay silipin man lang sana ang kundisyon ng import.

Patakbuhin muna ng isang milya at kung hahapo-hapo agad ay ‘wag nang papuntahin sa Pinas.

Sayang ang pagod. Sayang ang pera.

Show comments