Lady Eagles lumapit sa tiket sa final four
MANILA, Philippines - Nagwagi ang Ateneo de Manila Lady Eagles kontra sa University of Sto. Tomas Tigresses sa tatlong sets, 25-10, 26-24, 28-26, para palawakin ang kanilang winning streak sa pitong sunod sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil Flying V Arena ng San Juan City.
Nalampasan ng Lady Eagles ang resbak ng Tigresses sa third set kung saan binura nila ang set point advantage para makuha ang ika-walong panalo sa siyam na laban at manatili sa top spot.
Dahil sa pagkatalo ay bumagsak ang UST sa four-way logjam sa ikatlong puwesto kasama ang University of the Philippines, Far Eastern University at National University sa pareho nilang 5-4 baraha.
Tinapos naman ng Lady Maroons ang four-game losing skid sa pamamagitan ng pagpapadapa ng University of the East Lady Warriors, 25-14, 18-25, 25-15, 25-10.
Dahil sa kanilang panalo ay binuhay ng Diliman-based squad ang pag-asang makapasok sa Final Four sa bitbit na 5-4 kartada at makisosyo sa ikaapat na puwesto kasama ang NU at FEU.
Magaang sinungkit ng Lady Maroons ang unang set, 25-14, ngunit biglang bumawi ang Lady Warriors sa second set, 18-25 kaya umarangkada agad sina Diana Carlos, Kathy Bersola, Nicole Tiamzon at Isa Molde para bawiin ang bentahe tungo sa malaking panalo at ibaon ang Lady Warriors sa 1-8 record.
Sa men’s division, kinuha ng Bulldogs ang tiket sa Final Four matapos ibagsak ang Adamson Falcons, 25-21, 25-12, 25-19, para sa kanilang seven-game winning streak.
Tinalo ng Tigers ang ang Red Warriors, 25-21, 22-25 25-21, 25-18 .
- Latest