Wild, Kahlefeldt wagi sa CT Ironman 70.3
SUBIC - May bago nang kampeon sa Century Tuna Ironman 70.3.
Umarangkada sina Swiss Ruedi Wild at Czech Radka Kahlefeldt sa dulo ng labanan para koronahan ang kanilang mga sarili bilang bagong hari at reyna ng nasabing triathlon event na idinaos dito kahapon.
Humataw si Wild, isang first-time campaigner sa Pilipinas, sa huling 10 kilometro ng run stage para ungusan sina Aussie world champions Craig Alexander at Tim Reed sa premier triathlon event na inihandog ng Century Bangus, Department of Tourism at Tourism Promotions Broad.
Humabol si Wild sa run event at naunahan ang kanyang kababayang si Sven Riederer sa 11K mark at tuluyan nang inangkin ang pangunguna sa huling apat na kilometro laban kina Reed at Alexander.
“It took me a little while to get ready for the run, put the socks on and those guys were starting really fast in the first two kilometers. But I knew it wasn’t about the first two kilometers; it’s about the second half of the run,” sabi ni Wild.
Tinapos ng 34-anyos na two-time Olympian ang naturang 1.9K swim, 90K bike, 21K run race sa loob ng 3:48:24 para agawan ng korona si Alexander (3:48:57) at sapawan ang reigning world titlist na si Reed (3:50:17) sa event na inorganisa ng Sunrise Events, Inc.
Nagsumite naman si Kahlefeldt ng winning time na 4:22:13 para iwanan ng tatlong minuto at 43 segundo si 2016 ruler Caroline Steffen ng Switzerland at Dimity Lee-Duke (4:41:57).
Samantala, nanalo naman sina August Benedicto at Jenny Guerrero sa men’s Asian Elite at Filipina Elite, ayon sa pagkakasunod.
Nagtala ang multi-titled na si Benedicto ng bilis na 4:25:42, habang tinapos ni Guerrero ang karera sa 5:14:23.
- Latest