SUBIC, Philippines - Hangad ni Craig Alexander ng Australia ang kanyang ikalawang sunod na korona, habang umaasa ang kababayang si Tim Reed na mananalo sa pagpapakawala sa 2017 Century Tuna Ironman 70.3 ngayong umaga rito sa Subic Bay.
Inaasahan ding makakatanggap ng mabigat na hamon si Swiss Caroline Steffen para sa tinatarget niyang ‘three-peat’ sa women’s division ng 1.9km swim, 90km bike at 21km run event na inihahandog ng Century Bangus, Department of Tourism at Tourism Promotions Board.
Puntirya ng five-time world champion na si Alexander ang kanyang back-to-back title sa men’s class na kinabibilangan din nina 2015 winner Tim Reed, Sam Betten, Jason Hall, Johan Stofberg at Till Schramm.
Mabigat na laban din ang haharapin ni Steffen laban kina Radha Kahlefeldt, Dimity Lee-Duke, Kate Bevilaqua, Sarah Lester at Imogen Simmons.
“It’s never easy to defend a title but I’ll do my best,” sabi ni Steffen.
Ang mga world-class pros ang babandera sa humigit-kumulang sa 1,000 tri warriors mula sa 47 bansa kasama ang Britain, US at Australia sa event na magsisimula sa Acea Beach at magtatapos sa Subic Bay Convention Center.
Lalahok din ang mga local celebrities na kagaya nina Dingdong Dantes, Drew Arellano, Jake Cuenca, Gerald Anderson, Kim Atienza at Gretchen Fulido sa relays side ng event na naglalatag ng premyong $15,000 at 30 world championships slots.
Pinamunuan kahapon nina Wilfred Steven Uytengsu, ang chief of race organizer at producer ng Sunrise Events, Inc., Greg Banson, ang GM ng Century Canning Corp. ang press launch na hinikayat ang mga partisipante “to break personal records, develop new friendships and conquer new challenges.”