Bakers, Tile Masters unahang dumikit sa semis

MANILA, Philippines -  Pakay ng Cafe France at Racal na sumosyo sa liderato upang mapalakas ang tsansang makahirit ng awtomatikong silya sa semifinals sa pagpapatuloy ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Magpapang-abot ang Bakers at Tile Masters sa alas-5 ng hapon habang magtutuos naman sa unang laro sa alas-3 ang Tanduay at Blustar Detergent.

Magkasalo sa ikalawang puwesto ang Cafe France at Racal tangan ang parehong 6-1 baraha sa ilalim ng nangungunang Cignal na nagtataglay ng 7-1 kartada.

Aminado si Racal coach Jerry Codiñera na kinakailangan ng kanilang koponan na ilabas ang buong pu­wersa laban sa Cafe France.

“That’s a champion team. Malakas talaga sila and natalo nila kami sa offseason, but we’ll be ready to make some adjustments. We have pla­yers naman na I hope can provide quality support for our leaders,” ani Codiñera.

Itinuturing ni Codiñera na underdogs sila dahil tinalo ang Tile Masters ng Bakers sa kanilang offseason game.

Sasandalan ni Codiñera sina Kent Salado, Sidney Onwubere at Jackson Corpuz na siyang aariba para sa Tile Masters.

Sa kabilang banda, naghahanda rin ang Cafe France sa malaking labang haharapin nito.

Nais ni Bakers coach Egay Macaraya na maging consistent ang kanyang tropa dahil papasok na sa krusyal na parte ang torneo.

Maghahabol naman ang Tanduay (4-3) sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals sa pakikipagtipan nito sa wala pang panalong Blustar (0-7). 

 

Show comments