Baby Tams, Blue Eaglets agawan sa huling Finals slot

MANILA, Philippines - Paglalabanan ng Ateneo at Far Eastern University-Diliman ang huling tiket sa finals sa paglarga ng rubber match ngayong hapon sa UAAP Season 79 juniors bas­ketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Maghaharap ang Blue Eaglets at Baby Tamaraws sa alas-3 ng hapon.

Ang magwawagi sa Ateneo at FEU-Diliman ang siyang haharap sa defending champion National University na pinatalsik ang De La Salle-Zobel sa pamamagitan ng 72-50 demolisyon sa kanilang Final  Four game noong Martes.

Ito ang ikaanim na finals appearance ng Bullpups.

Huling nakapasok sa finals ang Blue Eaglets noong 2014 na siya ring taon na naghari ang Katipunan-based squad. Ang Baby Tamaraws ay umaasang makakabalik sa finals dahil noong 2012 pa ito huling nakapaglaro cham­pionship round.

Naipuwersa ng Ateneo ang do-or-die laban sa second seed FEU-Diliman nang itarak ang 75-56 panalo noong Martes. Magsisimula ang best-of-three title series sa Pebrero 21. (CCo)

Show comments