Rubio bumida sa OT win ng Wolves sa Magic
MINNEAPOLIS - Nagsalpak si Ricky Rubio ng career-high na anim na three-point shots para pamunuan ang 111-105 overtime win ng Timberwolves laban sa Orlando Magic.
Kumamada ang Minnesota ng kabuuang 12 triples laban sa Orlando.
Tumipa si Andrew Wiggins ng isang long jumper mula sa assist ni Rubio para itabla ang Timberwolves sa 98-98 sa huling 10 segundo, habang sinupalpal ni Karl-Anthony Towns ang 3-point attempt ni Elfrid Payton ng Magic para itulak ang extension period.
Tumapos si Wiggins na may 27 points para sa ika-19 panalo ng Minnesota sa 38 laro.
Nagdagdag naman si Rubio ng 22 points tampok ang 7-of-16 fieldgoal shooting kasama ang 6-of-9 clip sa 3-point range.
Nagtala rin ang point guard mula sa Spain ng 8 rebounds at 8 assists.
Humakot si Towns ng double-double sa kanyang 23 points at 12 rebounds para sa ikalawang sunod na panalo ng Timberwolves matapos talunin ang Brooklyn Nets.
Pinamunuan ni Payton ang Magic sa kanyang 21 points at nagposte si Serge Ibaka ng 17 points at 10 rebounds.
Sa Dallas, tumapos si Yogi Ferrell na may career-high 19 points para tulungan ang Mavericks sa 104-97 panalo laban sa Cleveland Cavaliers.
Binanderahan ni Harrison Barnes ang Mavericks sa kanyang 24 points at season-high 11 rebounds para sa ikalawa niyang double-double sa season, habang umiskor si Wesley Matthews ng 21 points.
Hindi naglaro para sa Cavaliers si Kevin Love na may back spasms.
Pinangunahan ni LeBron James ang Cleveland sa kanyang 23 points, ngunit may mahinang 2-of-14 shooting sa three-point range at nakagawa ng 11 sa kabuuang 17 turnovers ng koponan.
Sa Miami, naglista si guard Goran Dragic ng 20 points, habang nagdagdag si Dion Waiters ng 19 markers para igiya ang Heat sa 104-96 panalo laban sa Brooklyn Nets.
Ito ang pang-siyam na sunod na arangkada ng Miami at ang ikaapat na pinakamahabang winning streak ngayong season matapos ang Golden State Warriors (12 games), Houston Rockets (10) at San Antonio Spurs (9).
- Latest