MANILA, Philippines - Nagkasya sa runner-up honors si Lee Vann Corteza matapos yumuko kay Russian Ruslan Chinakov sa championship round ng World Pool Series First Leg - The Molinari Players Championship na ginanap sa Steinway Billiards sa Astoria Queens sa New York City, USA.
Hindi umubra ang tikas ni Corteza nang lumasap ito ng 6-16 kabiguan kay Chinakov sa torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association.
Naibulsa ni Chinakov ang tumataginting na $20,000 habang napasakamay ni Corteza ang $8,500 konsolasyon.
Nakapasok si Corteza sa finals nang gapiin nito si Darren Appleton ng Great Britain sa semifinals sa bendisyon ng 18-16 panalo.
Napigilan naman ni Chinakov ang all-Filipino finale nang patalsikin nito si Johann Chua sa hiwalay na semis match, 15-8.
Gayunpaman, mag-uuwi pa rin ng tig-$5,250 sina Chua at Appleton.
Nasa ikalimang puwesto lamang si dating world champion Dennis Orcollo habang ikasiyam si Carlo Biado, ika-17 sina Alex Pagulayan at Ramil Gallego, ika-33 si Israel Rota, at ika-65 sina Francisco Bustamante at Jean-Michael Berille.
Dahil sa panalo, nakasisiguro na si Chinakov ng tiket sa Grand Finale ng World Pool Series na Predator World Series Championship sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 1.
Sunod na aarangkada ang second leg ng World Pool Series na tatawaging Aramith Masters Championship sa Abril 4 hanggang 7 habang ang third Leg - Ryo Rack Classic Championship ay lalaruin sa Hulyo 12 hanggang 15.