Lutz dinala ng Beermen sa Bolts

MANILA, Philippines - Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas matapos sumailalim sa isang arthroscopic ligament repair sa United States ay ibang uniporme na ang isusuot ni Fil-American guard Chris Lutz.

Ito ay matapos ilaglag si Lutz ng San Miguel, kumuha sa kanya bilang No. 3 overall pick noong 2011 PBA Draft, sa unres­tricted free agent pool  bago dinala sa Meralco Bolts.

Kasalukuyang nangu­ngulelat ang Meralco sa 2017 PBA Philippine Cup sa kanilang 2-7 baraha kasama ang anim na sunod na kamalasan.

Nanggaling ang 31-anyos na si Lutz sa isang ankle surgery at nangangailangan ng four-month recovery period bago opisyal na mapabilang sa line-up ng Bolts para sa susunod na PBA conference.

Ang naturang ankle injury ang napatunayang pinanggagalingan ng problema ni Lutz sa kanyang baywang at likod.

Ito ay kagaya ng nangyari kay Stephen Curry ng Golden State Warriors.

Matapos ang dalawang taon na paglalaro para sa original Gilas Pilipinas team ni Serbian coach Rajko Toroman ay sumalang si Lutz sa 2011 PBA draft.

Inilaro ng produkto ng Marshall University ang kanyang unang anim na PBA seasons para sa Beermen.

 

Show comments