Devance bumida sa Gins, Bolts lalo pang nalaglag
MANILA, Philippines - Waring ibinalik ng Gin Kings at Bolts ang kanilang sarili sa nakaraang 2016 PBA Governor’s Cup championship series.
At katulad ng nangyari sa huli, tinalo ng Barangay Ginebra ang Meralco.
Bumangon ang Gin Kings mula sa 10-point deficit sa opening period para balikan ang Meralco, 83-72, para palakasin ang kanilang tsansa sa eight-team quarterfinal round ng 2017 PBA Philippine Cup kagabi sa San Agustin University Gym sa Iloilo City.
Nauna nang pinatumba ng Ginebra ang Meralco sa nakaraang PBA Governor’s Cup Finals kung saan isinalpak ni import Justin Brownlee ang game-winning three-point shot sa Game Six para angkinin ang korona.
Bumandera si power forward Joe Devance para sa Gin Kings ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone mula sa kanyang 19 points.
“We’re still trying to climb our way back to contention,” wika ni Cone. “The thing i liked about today is out team really battled and battled and we have our bad moments and we kept battling through it keeping our heads up keep pushing.”
Kinuha ng Bolts ang 10-point advantage, 23-13, bago nakabangon ang Gin Kings para ilista ang 13-point lead, 71-58, sa 5:31 minuto ng fourth quarter.
Mula rito ay hindi na nakadikit ang Meralco ni one-time PBA Grand Slam champion mentor Norman Black.
Nalasap ng Bolts ang kanilang pang-anim na sunod na kamalasan.
Bumandera si Reynel Hugnatan para sa Meralco sa kanyang 18 markers kasunod ang 14 at 11 points nina 2016 PBA Rooke of the Year Chris Newsome at Baser Amer, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, pipilitin naman ng Alaska na makasosyo sa ikalawang puwesto sa pagsagupa sa Blackwater ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang laro ng TNT Katropa at Star sa alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagmula ang Aces sa 97-90 overtime win laban sa Hotshots noong Enero 11 kung saan umiskor sina Vic Manuel at Calvin Abueva ng 25 at 23 points, ayon sa pagkakasunod.
- Latest