Lady Chiefs, Pirates nagpalakas sa No. 2
MANILA, Philippines – Pinataob ng Arellano University at Lyceum of the Philippines University ang kani-kanilang karibal kahapon upang makisalo sa ikalawang puwesto sa NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nakabangon ang Lady Chiefs sa mabagal na panimula bago ilusot ang 26-28, 25-6, 25-15, 25-20 panalo laban sa Jose Rizal University kung saan bumida si Jovielyn Prado na nagtala ng 18 puntos mula sa 16 attacks, isang block at isang ace.
Malaki rin ang kontribusyon ni skipper Rialen Sante na naglista ng 15 puntos gayundin sina Mary Anne Esguerra at Regine Anne Arocha na may pinagsamang 23 puntos at Rhea Ramirez na gumawa ng 49 excellent sets.
Mabilis namang pinayuko ng Lady Pirates ang Emilio Aguinaldo College nang isumite nito ang straight-set 25-20, 25-23, 25-20 panalo.
“I can’t explain why my team is playing like this even though we were doing well in our practices. It’s probably the lack of mental toughness or the lack of familiarization of the court,” ani Lyceum mentor Emil Lontoc.
Nagtulung-tulong sina Christine Miralles, Czarina Orros at Cherilyn Sindayen na pumalo ng tig-12 puntos katuwang sina La Rainner Fabay na may 10 puntos at setter Cherry Rose Genova na may 35 sets.
Makakasalo ng Arellano at Lyceum sa No. 2 spot ang nagdedepensang College of Saint Benilde hawak ang magkakatulad na 5-1 baraha.
Nahulog sa 2-5 ang Lady Bombers habang wala pa ring panalo ang Lady Generals sa pitong pagsalang.
Sa juniors, wagi ang Lyceum sa EAC, 25-19, 25-23, 22-25, 25-22 para manatiling walang bahid ang kanilang rekord sa apat na laro.
Laglag ang Brigadiers sa 5-1.
Sa men’s division, namayani rin ang Lyceum laban sa EAC, 25-27, 25-20, 25-18 para manatiling buhay ang pag-asa nito sa Final Four bitbit ang 3-3 marka.
Patuloy ang paglubog ng last year’s runner-up Generals na may 0-7 baraha.
- Latest