MANILA, Philippines – Isang importanteng panalo ang kinakailangang maitala ng Philippine Azkals laban sa nagdedepensang Thailand upang makahirit ng puwesto sa semifinals ng 2016 AFF Suzuki Cup na ginaganap sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan.
Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto ang Azkals sa Group A tangan ang dalawang puntos na nakuha sa dalawang draw laban sa Singapore at Indonesia.
Ang Singapore at Indonesia ay magkasalo sa ikatlong puwesto hawak ang parehong isang panalo at isang draw na baraha.
Nangunguna ang Thailand na may anim na puntos para pormal na masikwat ang unang silya sa semis dahilan upang mauwi ang bakbakan sa pagitan ng Singapore, Indonesia at Pilipinas para sa huling tiket sa Final Four.
Alam ni Azkals coach Tom Dooley na matinding laban ang kanilang haharapin kontra Thailand ngunit nananatili itong optimistiko dahil mataas pa rin ang moral ng kanyang bataan.
“The team will be ready versus Thailand. Thailand doesn’t want to lose for the first time against us. We don’t expect them to pull backs,” wika ni Dooley.
Sa kanilang huling laro, naipuwersa ng Azkals ang 2-2 draw laban sa Indonesia.
Nahawakan ng Indonesia ang 1-0 kalamangan mula sa pinagsanib na puwersa nina Stefano Lilipaly at Fachruddin Aryanto sa ika-pitong minuto subalit naitabla ng Azkals ang laban sa ika-31 minuto mula sa impresibong goal ni Misagh Bahadoran.
Muling nakuha ng Indonesia ang 2-1 bentahe makaraang pakawalan ni Boas Salossa ang isang goal sa ika-68 minuto.
Hindi bumitiw ang Azkals makaraang maisalpak ni team captain Phil Younghusband ang equalizer sa ika-82 minuto para maipuwersa ang draw.
“We struggled a little bit. We created some chances, it was an exciting game. Both can live with the result,” ani Dooley.
Nanawagan si Fil-German Stephan Schrock sa mga tagahanga ng Azkals na suportahan ang koponan sa kanilang laban kontra Thailand bukas.
“We hope to have the fans at the venue on Friday,” wika ni Schrock.
Kapuna-punang kakaunti lamang ang nanonood sa venue kung saan isang posibleng dahilan ang may kalayuang venue kumpara sa Rizal Memorial Football Stadium na nasa Maynila.