Air Force kampeon sa Spikers’ Turf; Pocari puro na
MANILA, Philippines – Naitarak ng Pocari Sweat ang 25-22, 25-18, 25-18 panalo laban sa Bureau of Customs para makadikit sa kampeonato ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagbuhos ng matinding lakas si team captain Michele Gumabao na humataw ng walong attacks, tatlong aces at dalawang blocks para hatakin ang Lady Warriors sa 1-0 kalamangan sa best-of-three championship series.
Nalimitahan ng Pocari ang produksiyon nina three-time UAAP MVP Alyssa Valdez at Thai import Kanjana Kuthaisong sa panig ng Transformers.
Susubukan ng Lady Warriors na kubrahin ang kanilang ikalawang korona sa liga sa pagsambulat ng Game 2 bukas sa parehong venue.
Nauna rito, malakas na depensa ang ginamit ng Philippine Air Force sa pagpapabagsak sa Cignal, 20-25, 25-21, 25-20, 25-22 upang matamis na angkinin ang kampeonato sa Spikers’ Turf kahapon.
Pumalo si Bryan Bagunas ng 27 puntos habang sumuporta si Mark Alfafara na humataw ng 21 hits para tulungan ang Air Spikers na walisin ang best-of-three series.
Naglatag naman si Jessie Lopez ng 53 excellent sets samantalang naglista si libero Louie Chavez ng 14 digs para sa Air Force na nakalikom ng kabuuang 41 digs.
Nagdagdag naman sina power-hitting open spiker Howard Mojica ng Emilio Aguinaldo College at Reyson Fuentes ng National University ng tig-pitong puntos.
Napasakamay ni Bagunas ang Finals MVP award matapos magrehistro ng average na 24.0 points sa serye habang itinanghal na season MVP si Mojica.
Ito ang ikalawang sunod na korona ng Air Force matapos pagharian ang Open Conference laban din sa Cignal.
Winalis din ng Champion Supra ang Instituto Estetico Manila sa kanilang best-of-three series upang pormal na makuha ang bronze medal.
Wagi ang Champion sa bendisyon ng 27-25, 26-28, 25-15, 23-25, 15-11 desisyon.
Ang iba pang individual awardees ay sina Mojica (First Best Outside Spiker), Lopez (Best Setter), Torres, (Second Best Middle Blocker), Kheeno Franco ng IEM (First Best Middle Blocker), Jan Berlin Paglinawan ng Champion Supra (Best Opposite Spiker) at Sandy Domenick Montero ng Cignal (Best Libero).
- Latest