LOS ANGELES--Kung si trainer Freddie Roach ang tatanungin ay hindi niya papayagan si Manny Pacquiao na lumaban ng mas mataas sa welterweight division.
Bagama’t komportable pang makakaya ni Pacquiao na sumabak sa 140 pounds (super lightweight) at taglay pa rin ang lakas at liksi, sinabi ni Roach na mas malaki ang premyong nakalatag sa welterweight (147 pounds).
“All the big fights at are at 147,” wika ni Roach sa mga Filipino scribes sa Wild Card Gym noong Sabado matapos ang workout ni Pacquiao na tinampukan ng six-round sparring session kay super lightweight contender Raymundo Beltran.
Mahihirapan nga lang magpabagsak si Pacquiao ng kanyang kalaban sa welterweight.
Bilang isang welterweight, umiskor si Pacquiao ng KO win laban kina Oscar De La Hoya at Miguel Cotto.
Huling nakaiskor si Pacquiao ng KO victory laban kay Cotto noong 2009.
Ngunit kung mababayaran naman si Pacquiao ng malaki kahit hindi siya makapagtala ng knockout win ay tama lamang siyang lumaban sa welterweight.
“I think we have to stay here, because there’s no money at 140 (junior welterweight),” wika ni Roach.
Kung tatalunin ni Pacquiao si WBO welterweight champion Jessie Vargas sa Sabado sa Las Vegas (Linggo sa Manila) ay mas malaking premyo ang kanyang matatanggap sa naturang weight class.
Posible niyang makatapat sina welterweight stars Keith Thurman (WBA), Kell Brook (IBF) at Danny Garcia (WBC).
Nariyan din ang rematch kay Floyd Mayweather Jr., na kung gustong bumalik sa boksing matapos magretiro ay lalaban lamang sa welterweight.
Sa super lightweight naman ay tanging si Terence Crawford, ang WBC at WBO champion, ang maaari niyang makaharap sa naturang dibisyon.