Laro Bukas
(Smart Araneta Coliseum)
6:45 Ginebra vs Meralco (Game 5, Finals)
MANILA, Philippines - Kinilala siyang Best Player of the Conference ng nakaraang 2016 PBA Philippine Cup at tinulungan ang San Miguel na makapasok sa semifinals ng Commissioner’s Cup at Governor’s Cup.
Sa kanyang 2016 PBA season ay nagposte si June Mar Fajardo ng mga averages na 20.17 points, 11.85 rebounds, 1.23 assists at 1.47 blocks para makakolekta ng average na 38.8 statistical points (SPs).
Kagabi ay hinirang si Fajardo bilang kauna-unahang PBA player na tumanggap ng tatlong sunod na Most Valuable Player trophy bago ang Game Four ng 2016 PBA Governors’ Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
“Unang-una, wala na akong masabi dahil sobrang blessed ako.
Nagpapasalamat ako kay God dahil sa sobrang blessing na ibinigay sa akin at sa pamilya ko,” sabi ng tubong Pinamungajan, Cebu na nakamit din ang Samboy Lim Sportsmanship Award.
“Sobrang saya ko at nakuha ko itong MVP, pero malungkot din dahil hindi ko natulungan ang team na makapasok sa Finals,” dagdag pa ng 6-foot-10 giant, ang No. 1 overall pick ng Petron Blaze Boosters noong 2012 PBA Rookie Draft mula sa University of Cebu Web Masters.
Samantala, hinirang si Chris Newsome ng Meralco bilang PBA Rookie of the Year, habang nakamit ni Jericho Cruz ang Most Improved Player matapos tulungan ang Rain or Shine sa paghahari sa PBA Commissioner’s Cup.
Ang mga napabilang sa Mythical First Team ay sina Fajardo at Arwind Santos ng San Miguel, Jayson Castro ng TNT Katropa, Terrence Romeo ng Globalport at Calvin Abueva ng Alaska.
Nasa Mythical Second Team sina Alex Cabagnot ng San Miguel, LA Tenorio at Japeth Aguilar ng Ginebra, Asi Taulava at Sean Anthony ng NLEX.
Ang mga bumubuo naman sa All-Defensive Team ay sina Aguilar, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Marc Pingris ng Star, Chris Ross ng San Miguel at Ping Exciminiano ng Alaska.
Samantala, kasalukuyang naglalaban ang Barangay Ginebra at Meralco sa Game 4 ng kanilang best-of-seven championship series habang sinusulat ito.
Hawak ng Bolts ang 2-1 bentahe sa serye.