MANILA, Philippines - Malakas na puwersa ang inilatag ng Saint Clare College-Caloocan upang kubrahin ang 80-70 panalo laban sa Lyceum Subic Bay at makalapit sa inaasam na silya sa finals ng 16th NAASCU men’s basketball tournament kahapon sa Makati Coliseum.
Matikas na nasandalan ng Saints si Paeng Rebugio nang kumana ito ng 20 puntos, anim na rebounds, tatlong assists, tatlong steals at isang block habang sumuporta si Rojay Santos na tumipa ng 10 puntos at anim na rebounds.
Nag-ambag ng tigwa-walong puntos sina Aries Dionisio, Jordan Rios at Ervin Palencia para sa St. Clare na nakuha ang 1-0 bentahe sa best-of-three semifinal series.
Bumandera para sa Black Sharks sina Carl Lumbao na umiskor ng 15 puntos gayundin si Fabrice Djilla Siewe na may double-double na 14 puntos at 14 boards, at Kevin Pelaez na nagsumite naman ng 10 markers.
Bagama’t dominado ng Black Sharks ang rebounding department hawak ang 52 boards kumpara sa 43 lamang ng Saints, naging mitsa ng kabiguan nito ang 25 turnovers partikular na sa mga krusyal na sandali ng laro.
Naglista ang Saints ng 29 puntos mula sa turnovers ng kanilang karibal habang humataw din ito ng 20 second chance points at 14 fast break points. (CCo)