MANILA, Philippines - Binago ng FIBA, ang international basketball federation, ang kanilang qualification process para sa 2019 World Cup.
Imbes na isang continental championship ay sasailalim ang mga koponan sa qualifying tournaments ng dalawa sa isang home-and-away format katulad sa qualification process para sa FIFA World Cup.
Kaya naman walang magagawa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas kundi ang buhayin ang kanilang Gilas Cadets program.
Ang naturang programa ang pagkukunan ng mga players na bubuo sa Gilas Pilipinas at ilalaban sa mga international tournaments kagaya ng 2019 FIBA World Cup sa China.
“It will run smack into the PBA schedule,” sabi ni SBP president Manny V. Pangilinan kamakalawa sa send-off para sa Gilas Pilipinas. “So I think, if we don’t form a separate team, it will completely disrupt the PBA schedule.”
Noong 2009 ay sinimulan ng SBP ang nasabing programa sa pangunguna ni Serbian coach Rajko Toroman na tinampukan nina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, JVee Casio, Chris Tiu at Marcio Lassiter.
“We really have no choice but to form a separate team, and it’s best, under the circumstances, to replicate what was done under coach Rajko Toroman,” ani Pangilinan.
Ang mga inaasahang mapapabilang sa Gilas Cadets program ng SBP ay sina Kiefer Ravena, Mac Belo, Kevin Ferrer at NBA D-League veteran Bobby Ray Parks Jr.
Dahil dito ay posibleng hindi sila mapasama sa darating na 2016 PBA Rookie Draft.
“I know for a fact that the owners are supporting this. It’s just a matter of really sitting down with the SBP and coming up with the program,” sabi naman ni PBA Commissioner Chito Narvasa.