Gonzaga-Bautista tandem dadaan sa butas ng karayom

MANILA, Philippines – Mapapalaban ng husto sina Jovelyn Gonzaga at Nerissa Bautista ng RC Cola Army-A dahil masikip ang kanilang pagdaraanan sa knockout stage ng 2016 Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup na magsisimula sa Linggo sa SM By The Bay sa Mall of Asia sa Pasay City.

Haharapin nina Gonzaga at Bautista ang tambalan nina Frances Molina at Maica Morada ng Petron Sprint 4T sa quarterfinals sa alas-4:30 ng hapon.

“Hindi pa rin perfect yung game namin. Marami pa rin kaming errors sa last game namin kaya kaila­ngan pa naming magtrai­ning para maitama yung mga pagkakamali namin sa mga unang laro namin,” wika ni Gonzaga na makailang ulit nagkampeon sa Nestea Beach Volley National Finals noong naglalaro pa ito para sa Central Philippines University.

Kung makalulusot sina Gonzaga at Bautista, makakasagupa naman nito ang magwawagi sa hiwalay na quaterfinal game sa pagitan ng F2 Logistics nina Aby Maraño at Danika Gendrauli at Petron XCS nina Aiza Maizo-Pontillas at Bang Pineda na lalaruin naman sa alas-3:30 ng hapon.

Bahagyang magaan ang salpukan sa lower half ng quaterfinals tampok ang duwelo ng Standard Insurance Navy-A nina Maria Paulina Soriano at Norie Jane Diaz at Far Eastern University-Petron nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza sa alas-5:30 kasunod ang engkuwentro ng Foton nina Cherry Ann Rondina at Patty Orendain, at RC Cola-Army B nina Gennie Sabas at Jennie Delos Reyes.

Magpapatuloy naman ang group stage sa men’s division kung saan nakalinya ang pagtutuos ng Phi­lippine Navy-B at University of the East-Manila (8 a.m.), FEU-B at SM By The Bay (8:45 a.m.), Cignal Team Awesome at TVM (9:30 a.m.), FEU-A at IEM (10:15 a.m.), Philippine Navy-A at SM By The Bay (11 a.m.), Wayuk at UE-Manila (11:45 a.m.), Philippine Navy-B at FEU-A (12:15 p.m.), at Philippine Navy-A at TVM (1 p.m.).

Magpapatuloy ang laro sa gabi sa paghaharap ng SM By The Bay at TVM (7:30 p.m.) at ng Wayuk at IEM (8:15 p.m).

Show comments