Tiket sa Rio pipitasin ni Petecio sa AIBA Women’s boxingfest
MANILA, Philippines – Tatlong beteranong boksingero ang isasabak ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa prestihiyosong 2016 AIBA World Women’s Boxing Championships na gaganapin mula Mayo 19 hanggang 27 sa Astana, Kazakhstan.
Pangungunahan ni 2012 World Championship champion at Singapore SEA Games gold medalist Josie Gabuco ang kampanya ng Pilipinas kasama sina SEA Games silver medalists Nesthy Petecio at Irish Magno.
Hahataw si Gabuco sa 48-kilogram event habang aarangkada naman si Petecio sa 51 kgs. at lalarga si Magno sa 54 kgs. ng torneong inorganisa ng International Boxing Association na lalahukan ng mahigit 200 boxers mula sa may 50 bansa.
Sa tatlong boksingero, tanging si Petecio lamang ang magtatangkang makasungkit ng tiket sa Olympics dahil ang kanyang event lamang ang kasama sa listahan ng mga lalaruin sa Rio Games.
Base sa inaprubahan ng International Olympic Committee, tatlong kategorya lamang ang paglalabanan sa women’s division ng boxing competition sa Olympics. Ito ay ang 51 kgs., 60 kgs. at 75 kgs.
Upang makahirit ng puwesto sa Rio Olympics, kinakailangan ni Petecio na makapasok sa finals dahil tanging ang dalawang mangungunang boksingero lamang ang mabibiyayaan ng tiket.
Malakas ang tsansa ni Petecio dahil nakasungkit na ito ng pilak na medalya noong 2014 edisyon ng torneo na ginanap sa Jeju Island sa South Korea.
“Yung event lang ni Nesthy ang kasama sa Rio Olympics. Kailangan niya at least mag-silver para makapasok sa Olympics. Malaki ang tsansa ng mga bata dahil handang-handa talaga ang mga ito bago kami pumunta rito,” wika ni national coaching staff member Roel Velasco na bronze medalist sa 1992 Barcelona Olympics.
Nauna nang nakasungkit ng silya sa Rio Games sina Charly Suarez at Rogen Ladon na parehong umani ng pilak na medalya sa Asia-Oceania Olympic Qualifying Tournament kamakailan sa China.
Tatlo hanggang apat na puwesto pa ang tinatarget ng ABAP dahil lalahok pa ang men’s national boxing team sa 2016 AIBA World Championship sa Hunyo 7 hanggang 19 sa Baku, Azerbaijan. Ang torneo ay magsisilbi ring Olympic qualifying event.
- Latest